CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang dalawang barangay officials sa pamamaril sa lungsod ng Cotabato.

Nakilala ang unang biktima na si Aladin Abdullah, barangay kagawad ng Mother Barangay Poblacion.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagbabantay sa kanyang tindahan ang biktima nang pagbabarilin ng tatlong suspek na lulan ng isang motorsiklo.

Gumanti ang pinsan ni Abdullah at binaril ang mga suspek kung saan tinamaan ang isa sa mga ito ngunit mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.

Natukoy naman ang ikalawang biktima na si Barangay Bagua 2 Kagawad Mohiden Mohammad Paki.

Papasok na ang sasakyan ng biktima sa kanyang tahanan nang ito’y pagbabarilin ng riding in tandem suspects.

Ang mga biktima ay kapwa naisugod sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) at patuloy na ginagamot ng mga doktor.

Sa ngayon ay patuloy na nag-iimbestiga ang pulisya sa Cotabato City sa pamamaril ng dalawang barangay kagawad.