CENTRAL MINDANAO- Nagluluksa ngayon ang pamilya ng dalawang bata na nasawi ng tamaan ng mortar fires ang kanilang tahanan sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga napatay na sina Aslamiah Tambak,10 anyos at kapatid nito na si Sadam Tambak 7 habang walo naman ang nasugatan na mga residente ng Brgy Kitango Datu Saudi Ampatuan Maguindanao.
Ayon sa mga sibilyan sa Brgy Kitango na nagdadasal umano sila kasabay ng Eid Fitr ay bigla umanong may sumabog na tumama sa tahanan ng mga biktima.
Dahil sa lakas ng pagsabog dalawang bata ang nasawi at walo ang nasugatan.
Sinabi ni Datu Saudi Ampatuan Municipal Administrator Musib Tan na bago ang pagsabog ay nagkasagupa umano ang militar at BIFF sa Brgy Elian di kalayuan sa Brgy Kitango.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya at hiniling nito kay pangulong Rodrigo Duterte ang malalimang imbestigasyon sa pagsabog.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Saudi Ampatuan Maguindanao PNP sa naturang pangyayari.