DAVAO CITY – Kinumpirma ngayon ng Provincial Government ng Davao del Sur na apektado na rin ngayon ng African Swine Fever (ASF) ang dalawang barangay sa bayan ng Sulop sa nasabing lalawigan.
Nabatid na nasa apat na mga barangay sa Davao del Sur ang isinailalim sa mahigpit na monitoring sa provincial veterinary office matapos makatanggap sila ng report na may naitalang ASF sa nasabing mga lugar.
Nagpositibo sa ASF ang Brgy. Palili at Laperas base sa isinagawang pagsusuri ng Provincial Veterinarian’s Office (PVO) sa mga alagang baboy sa naturang mga barangay.
Ayon pa kay Dr. Russel Celis, Davao del Sur Provincial Veterinarian, agad na ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang “1-7-10 protocol” kung saan kailangan magsagawa ng culling sa mga alagang baboy sa loob ng one-kilometer radius mula sa site kung saan naitala ang ASF para mapigilan ang pagkalat nito sa ibang mga barangay.