LAOAG CITY – Pinatunayan ng dalawang aso sa Brgy. 20 sa bayan ng San Nicolas sa lalawigan ang kasabihang “dogs are man’s bestfriend” matapos nilang iligtas ang kanilang matandang amo na inatake sa puso.

Nakilala ang matandang inatake sa puso na si Pio Abrenica, 67, at mag-isang naninirahan dahil nasa ibang bansa ang kanyang pamilya.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Laoag, nakita umano ng askal at labrador na inatake sa puso ang kanilang amo habang nasa labas ng bahay.

Dahil dito, tinulungan umano ng askal na makawala ang nakataling labrador bago tumalon sa bakod at humingi ng tulong sa kapitbahay at walang tigil sa pagtahol dahilan para lumabas ang may-ari ng bahay.

Matapos nito ay inihatid ng hindi na pinangalanang kapitbahay ang dalawang aso sa kanilang amo ngunit nadiskubreng nakabulagta ang matanda at agad na itinakbo sa ospital.

Nabatid na ang labrador ay isang taon ng kasama ni Abrenica habang ang askal naman ay anim na buwan na sa matanda.