-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni P/Maj. Lester Dabbay, Officer In Charge ng Pagudpud Municipal Police Station na lumabas sa windshield at nahati ang katawan ng dalawang senior citizen na sakay ng SUV matapos bumangga sa mahogany tree sa Barangay Caunayan sa bayan ng Pagudpud dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Aniya, mayroong walong indibidwal kabilang ang driver ng SUV na galing sa Cauayan City, Isabela.

Sabi niya habang minamaneho ng driver ang SUV ay bigla itong nawalan ng kontrol ng manibela hanggang mabangga ito sa mahogany tree.

Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, lumabas ang dalawang senior citizen na pasahero na may edad 60 at 63 mula sa windshield ng SUV kung saan nahati ang kanilang mga katawan.

Namatay on the spot aniya ang isa sa mga biktima habang ang isa naman ay namatay habang ginagamot sa Bangui District Hospital.

Idinagdag niya na ang iba pang mga pasahero ng SUV ay nasa stable o maayos na kondisyon at naghihintay sa paglipat nila sa pamamagitan ng medical team mula sa Cauayan City, Isabela.

Napag-alaman na patungo sana sa Paoay Church ang mga biktima nang mangyari ang aksidente.