LEGAZPI CITY – Hindi nakaligtas ang dalawang taong gulang na batang lalaki matapos na lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa Brgy. Tupaz, Donsol, Sorsogon.
Ayon kay Maj. Darwin Destacamento, hepe ng Donsol Municipal Police Station, halos matupok na ang bahay nang makaresponde ang pulisya na tumawag rin sa fire station.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na nag-umpisa ang sunog sa kusina kung saan naglaro ng lutu-lutuan ang 4-anyos at 7-anyos na magkapatid habang natutulog naman ang bunso.
Nasa labas rin ang mga magulang ng mga ito upang maghanap nang makakain.
Dahil kumakalam na ang sikmura, naisipan umano ng dalawa na idarang sa apoy ang nakitang niyog sa bahay bilang pantawid-gutom subalit kinapitan ito ng apoy na inabot ang bubong at dingding ng kusina.
Gawa sa light materials ang bahay kaya’t mabilis na kumalat ang apoy.
Hindi rin naman nakasaklolo ang mga kapitbahay lalo pa’t magkakalayo ang mga bahay sa lugar.
Sa ngayon, umaapela ng tulong ang pulisya para sa muling pagbangon ng nasunugang pamilya.