Dalawang alkalde ng Metro Manila ang kumontra sa panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na luwagan ang quarantine protocols sa buong bansa o sa modified general community quarantine (MGCQ) dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kabilang sa mga kumontra ay sina San Juan City Mayor Francis Zamora at Marikina City Mayor Marcelino Teodoro.
Kasunod nito, umapela naman ang dalawang alkalde sa ating mga kababayan na tiisin na lamang muna ang kasalukuyang sitwasyon at ikonsidera ang advice ng mga health expert kaugnay ng naturang isyu.
Sinabi pa ni Zamora na nais pa rin niyang mapanatili sa general community quarantine (GCQ) ang San Juan hanggat hindi pa dumadating ang bakuna.
Para kay Teodoro, ang desisyon para sa quarantine classification ay dapat base sa insights ng economic experts pero dapat ay ikonsidera pa rin ang advice ng mga health experts.
Sa kabila nito, naiintindihan naman daw ng dalawang alkalde ang panukala ng NEDA para matugunan ang pandemic-induced recession.