Inatasan ngayon ng Department of Justice (DoJ) panel ang Securities and Exchange Commission (SEC) na magsumite ng kanilang tugon sa counter affidavit na isinumite ng mga kinasuhang opisyal ng KAPA dahil sa multi billion peso investment scam.
Binigyan ng DoJ panel ang SEC nang hanggang Agosto 15 para magsumite ng reply affidavit.
Sampung araw naman ang ibinigay ng DoJ panel sa mga respondent para magsumite ng kanilang rejoinder affidavit kapag naisumite na ng SEC ang kanilang tugon.
Present sa preliminary investigation nitong umaga sa DoJ ang mga respondents na sina Moises Mopia at Marisol Diaz at personal na pinanumpaan ang kanilang kontra salaysay sa harap ng DoJ panel.
Present din ang abogadong sina Atty. Montano Nazario Jr., Atty. Karl Steven Co at Atty. Mae Divinagracia na abogado ni Joel Apolinario, ang founder ng KAPA Community Ministry International.
Hindi na nagtakda ng susunod na imbestigasyon ang DoJ at kapag naisumite na ang mga dokumento ng magkabilang panig ay pag-aaralan na ng panel kung magiging submitted for resolution na ang inihaing reklamo.
Una na ring kinasuhan si Apolinario ng NBI at iba pang mga miyembro na naloko sa naturang investment scam.
Inilagay na rin ito kamakailan sa hold departure ng isang korte sa Davao.
Ang AMLC naman ay isinailalim sa freeze order ang P100 million na pera ni Apolinario at iba pang mga assets.
Kung maaalala ipinag-utos ng Pangulong Duterte ang pag-shutdown sa mga tanggapan ng KAPA dahil sa umano’y “continuing crime” bunsod na ang operasyon nito ay katulad ng Ponzi scheme o investment scam.