Tradisyunal na istilo sa pangangampanya ang sinunod ng Serbisyo sa Bayan Party sa Quezon City sa kabila na nasa pandemya pa rin ang bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng pagdalo muna ng misa ng ilang mga kandidato kaninang alas-6:00 ng umaga sa pangunguna ni incumbent QC Mayor Joy Belmonte na sinundan ng Grand Proclamtion Rally na isinagawa sa Quezon Memorial Circle.
Ang rally ay pinangungunahan ni Mayor Joy Belmonte, Vice Mayor Gian Sotto, mga congressmen at councilors ng anim na distrito.
Sinamahan ng mga supporters na nakasuot ng puti si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pagdalo ng misa sa QC Memorial Covered Court ngayong pagsisimula ng kampanya para sa lokal na eleksyon.
Present din ang aktor na si Arjo Atayde na kumakandidato bilang QC 1st District representative at QC 5th District Rep. Alfred Vargas na tumatakbo naman bilang city councilor.
Lubos ang pasasalamat ng SBP party sa mga QCitizens na dumalo sa grand proclamation rally.
Sa talumpati ni Mayor Joy na tumatakbo muli bilang alkalde ng siyudad, binanatan nito ang isang indibidwal na namamahagi ng anti-parasitic drugs nuong nakaraang taon at bumuto laban sa franchise ng isang giant tv network sa kabila ng nararanasang pandemya.
Sinabi ni Mayor Joy, sa kasagsagan ng COVID-19, hindi namudmod ng gamot ang QC LGU na hindi pa aprubado at para lang sa hayop.
Ang katunggali ni Belmonte sa QC mayoral race na si Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor.
Istriktong ipinatutupad ng partido ang minimum public health standard.