-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patay na nang matagpuan ng isang ina ang kanyang dalagang anak matapos na magbigti gamit ang lubid sa loob ng kanyang kuwarto sa Benito Soliven, Isabela.

Ayon sa Benito Soliven Police Station posibleng dinamdam ng dalaga ang sinabi ng kanyang ama na hindi na siya makakapagpatuloy sa kolehiyo dahil sa kawalan ng sapat na pera.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ruffo Figarola, hepe ng Benito Soliven Police Station, sinabi niya na ang nagpakamatay ay 19-anyos na dalaga na with honors na nagtapos sa junior at senior high school.

Batay sa salaysay ng mga magulang at sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman na bago magpakamatay ang dalaga ay nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kanyang mga magulang matapos ihayag ang kagustuhang mag-enroll sa isang unibersidad sa Lunsod ng Ilagan subalit inihayag ng kanyang ama na hindi na nila ito kayang pag-aralin pa sa kolehiyo dahil sa kawalan ng sapat na pera.

Nagkulong ang dalaga sa kanyang kuwarto matapos ang diskusyon sa kanyang mga magulang at kinitil ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti gamit ang lubid.

Kinabukasan na lamang natagpuan ng ina ang bangkay ng anak na nakabitin matapos na pwersahan niyang buksan ang bintana ng kuwarto.

Nakapasa sa entrance exam ang dalaga at nakatakda na sanang mag enroll ngayong araw.

Posibleng labis niyang dinamdam ang mga sinabi ng kanyang magulang dahil lahat ng kanyang mga kapatid ay nakapag-aral.

Lubos naman ang hinagpis ng mga magulang ng dalaga at labis na nagsisisi sa nangyari.