CAUAYAN CITY – Nasagip ng mga awtoridad ng higit isang daang mga trabahador matapos ang pagsalakay sa isang warehouse na sinasabing pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Pallattao Naguilian, Isabela.
Una rito ay nadakip ang isang Korean National kasama ang driver ng wing van na naglalaman ng ipa ng palay at mahigit 600 na sako ng mga pekeng sigarilyo na hanggang sa ngayon ay hindi pa matukoy ang tinatayang halaga nito na sana ay dadalhin sa lungsod ng Santiago.
Sa isinagawang raid ng mga kasapi ng Isabela Police provincial Office (IPPO), CIDG at Naguilian Police Station ay nadatnan nila ang apat pang mga Korean nationals sa loob ng warehouse na itinuro na nangangasiwa sa nasabing pagawaan ng mga pekeng sigarilyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng isa sa mga trabahador na si Margie Lipanta na mula pa Gingoog City, Misamis Oriental ay may nagrecuit sa kanila mula sa kanilang lugar ngunit at bago ang community quarantine ay dumating siya at iba pang mga trabahador sa naturang warehouse at nagtrabaho siya bilang isa sa mga tagaluto.
Dahil sa hirap din ang kanilang kalagayan sa kanilang lugar ay tinanggap nila ang alok na trabaho kasama ang kanyang asawa at iba pang mga kasamana pumunta sa maynila sakay ng barko at van papunta sa lalawigan ng Isabela na hindi tiyak kung anong trabaho ang naghihintay sa kanila.
Ganito ang bahagi ng pagpapahayag ni Margie Lipanta, Isa sa mga trabahador sa warehouse.
Bukod kay Margie na tatlong buwan pa pa lamang siyang nagta-trabaho sa lugar ngunit napag-alaman nila na ilang manggagawa ang naabutan na ng Pasko sa bodega at umaabot na sa 8 buwan na nagtatrabaho sa pagawaan ng sigarilyo.
Sumasahod ng sampong libong piso kada buwan ang bawat 185 na manggagawa sa warehouse.
Maayos naman umano ang kondisyon ng mga trabahador sa loob ng warehouse gayundin na maayos ang pagtrato sa kanila ng mga Korean national.
Gayunman, hindi sila basta pinapayagang lumabas maging ang paggamit ng selpon o anumang gadget ay matinding Ipinagbabawal sa loob.