Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt Gen. Cirilito Sobejana na nasa 183 Chinese Maritime Militia vessels ang nananatili pa rin hanggang sa ngayon sa Julian Felipe Reef batay sa isinagawang maritime patrol ng Philippine Air Force Aircraft kahapon ng umaga.
Itoy sa kabila ng inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA )at hiling ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na umalis na sa lugar dahil nasa loob na sila ng exclusive economic zone ng Pilipinas at nilalabag nito ang maritime rights ng bansa.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Sobejana kaniyang sinabi na hindi nila hahayaan na salakayin ang teritoryo ng bansa at mandato nilang protektahan ito.
” One PAF aircraft was dispatched this morning to conduct MARPAT (maritime patrol) at West Philippine Sea. There were around 183 CMM vessels sighted,” mensahe na ipinadala ni Sobejana sa Bombo Radyo.
Giit ni chief of staff may sapat na kakayahan ang militar para tuparin ang kanilang misyon lalo na duon sa mga nais sakupin at salakayin ang teritoryo ng Pilipinas.
Sinabi ni Sobejana nakikipag ugnayan na sila ngayon sa National Task Force West Philippine Sea at kasalukuyang nagsasagawa ng joint assessment para makabuo ng desisyon para tugunan ang ginawang pagsalakay ng mga Chinese Maritime Militia vessels sa Julian Felipe Reef.
” With the AFP’s unequivocal stand, we will oppose any act of incursions in our territory. We have our mandate and are capable to perform missions. On the other hand, the NTF WPS takes into account other considerations.Jointly, we will assess and decide what is the best course of action to take,” dagdag pa ni Sobejana.
Ayon kay Sobejana, sa ngayon mahigpit nilang imomonitor ang aktibidad ng mga nasabing Chinese vessels sa lugar.
Siniguro ni Chief of staff na magpapatuloy ang kanilang maritime patrol sa area para ma check kung nabawasan o nadagdagan ang mga barko sa lugar.
Isang fixed wing surveillance aircraft ang pinadala ng Western Command sa area para magsagawa ng validation report.
Alas-8:40 ng umaga kahapon umalis sa Wescom ang nasabing aircraft at natapos ang misyon bandang alas-11:00 na ng tanghali.
Magugunita na nuong March 7 nasa 220 Chinese vessels ang namataan sa lugar kahapon batay sa isinagawang maritime patrol nabawasan na ang mga barko at nasa 183 pa rin ang nananatili sa lugar.
Una rito itinanggi ng Chinese Embassy dito sa Pilipinas ang presensiya ng mga Chinese vessels sa reef na kanilang pinangalangan na Niu’e Jiao na indikiasyon na kanilang kini claim ang nasabing lugar.