-- Advertisements --

Umabot na sa 18 aksidente ng mga sasakyan ang naitala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng EDSA mula raw nang maglagay sila ng concrete barriers ngayong buwan.

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, 16 sa mga ito ang bumangga sa konkretong mga harang, habang dalawa ang tumama sa plastic barriers.

Ilan sa mga dahilan ng naitalang mga aksidente ang pagmamaneho ng lasing; pagdaan sa maling lane; at pagsingit sa lane ng bus, na siyang ikinamatay ng isa.

“Hindi naman kasalanan per se ng concrete barriers dahil po ito ay reflectorized na. Hindi po tayo naglagay ng mga concrete barriers na hindi reflectorized,” ani Pialago sa Laging Handa briefing.

Sa kabila nito, nag-pwesto raw ang ahensya ng karagdagang mga marker sa EDSA para malayo pa lang ay tanaw na ng mga motorista.

Paalala ni Pialago, maiiwasan ang mga naturang aksidente kung mananatili ang mga sasakyan sa kanilang lane at hindi magpapatakbo ng mabilis, lalo na sa madaling araw.