Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na 18 inmate na ng New Bilibid Prison ang namatay dahil sa infection ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa kabila nito, tumanggi si BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na pangalanan ang mga person deprived of liberty (PDL) na binawian ng buhay dahil sa sakit.
“We have to respect the rights of the PDL, the Data Privacy Act, we must follow that,” ani Chaclag.
Batay naman sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo, sinasabing kasali sa mga nasawing inmate ang siyam na kilalang high-profile convicted drug lords.
Nitong araw nang lumabas ang ulat hinggil sa pagpanaw ng convicted drug lord na si Jaybee Sebastian dahil umano sa COVID-19.
Sa record ng Eastern Funeral Homes, na partner ng national penitentiary, wala ang pangalan ng sinasabing siyam na drug lord na namatay.
Pero sa datos ng Panteon de Dasmariñas Public Cemetery sa Cavite, apat sa siyam na convicted drug lord daw ang kanilang na-cremate. Ang isa naman ay may record sa Manila North Cemetery.
Ayon kay Chaclag, as of June 12, 343 na ang total ng confirmed COVID-19 cases sa NBP. Ang 311 sa kanila ay gumaling na. Hindi naman nito kinumpirma ang pagpanaw ni Sebastian at ibang pang high-convicted drug lords.
Sa tala ng Department of Health (DOH), 14 na PDLs lang ang pumanaw sa COVID-19 kabilang na ang isa mula sa NBP at 13 sa ibang jail facilities.
“According to our data, only 1 death was reported from NBP. The 9 may be a consolidated number since BuCor manages more than 1 jail,” paliwanag ng DOH staff.
Inatasan na ng Department of Justice ang pamunuan ng BuCor na magpaliwanag hinggil sa mga lumalabas na ulat hinggil sa pagkamatay ng ilang inmate dahil sa COVID-19.