-- Advertisements --

Sinibak na sa serbisyo ng Department of Justice (DOJ) ang 18 opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) na umano’y sangkot sa “pastillas” scheme.

Tinukoy ni DOJ Assistant Secretary Neal Bainto ang mga BI personnel na sinibak na sina Francis Dennis Robles, Glen Ford Comia, Rodolfo Magbuhos Jr., Deon Carlo Albao, Danieve Binsol, Paul Erik Borja, Abdul Fahad Calaca, Anthony Lopez, Gabriel Ernest Estacio, Chevy Chase Naniong, Danilo Deudor, Ralph Ryan Garcia, Phol Villanueva, Fidel Mendoza, Benlando Guevarra, Bradford Allen So, Cecille Jonathan Orozco at Erwin Ortañez.

Sinabi ng DOJ official sa isang resolution na natuklasan ng ahensiya na ang 18 BI personnel may administratibong pananagutan para sa grave misconduct, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa umano’y pagpapahintulot para sa mabilis na pagasikaso ng pagdating o pag-alis ng mga Chinese national nang hindi sumasailalim sa mga kaukulang proseso ng immigration bureau kung saan ibinabalot sa isang bond paper na parang pastillas ang suhol sa sangkot na BI personnel.

Inirekomenda ng Fact-Finding Investigation Committee (FFIC) na binuo ng BI para imbestigahan ang maanomaliyang pastillas scheme sa DOJ ang kasong administratibo.

Nilinaw naman ng DOJ official na hindi kabilang sina Deputy Commissioner Marc Red Mariñas at Senior Immigration Officer Grifton Medina sa mga inimbestigahan ng FFIC subalit kasama ang mga iro sa mga sinampahan ng complaint ng NBI sa Office of the Ombudsman.

Pinaliwanag ng opisyal na hindi kabilang sina Mariñas at Medina sa mga sinibak ng DOJ dahil nauna ng nagbitiw sa pwesto si Mariñas bago pa man ilabas ang naturang resolution habang si Medina naman ay nakasama sa hiwalay na administrative complaint na inihain ng NBI sa Ombudsman.

Una ng naghain ng graft charges ang office of the Ombudsman laban sa 43 BI personnel na sangkot sa pastillas scheme na inimbestigahan ng Senado na ginagamit umano ito para sa sex trafficking at pagpapasok ng mga manggagawa sa Philippine offshore gambling operations (POGO) sa bansa.