Inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang listahan ng mga rehiyon sa buong bansa na nakabawi na sa ekonomiya sa taong 2021 mula sa naranasang Covid-19 pandemic noong taong 2020.
Base sa data ng kagawaran, nasa 17 regions ang naka-recover na kinabibilangan ng Rehiyon IV-A o CALABARZON kung saan naitala nito ang pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa 7.6% noong nakaraang taon, mula sa -10.5% noong 2020.
Sinundan ito ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Cordillera Administrative Region (CAR) na parehong lumago ng 7.5%, mula -1.9% at -7.7%.
Ang iba pang rehiyon kung saan nakapagtala ng antas na 5.7% noong 2021 ay ang Central Luzon sa 7.4% mula sa -9.9%, Caraga sa 7.2% mula -7.2%, Northern Mindanao sa 6.3% mula sa -5.2%, Eastern Visaya sa 6% mula sa -7.6%, Western Visayas sa 5.9% mula sa -9.7%, Davao Region sa 5.9% mula sa -7.6%, at Zamboanga Peninsula sa 5.7% mula -5.2%.
Sa services sector naman sa 2021, ang National Capital Region ang may pinakamalaking bahagi sa 42.4%, na sinusundan ng CALABARZON sa 10.7% at Central Luzon sa 8.3%.
Sa bahagi ng bawat rehiyon sa sektor ng Industriya, ang CALABARZON ang may lion’s share sa 25.1%, sinundan ng NCR sa 19.6% at Central Luzon sa 15.4%.
Para naman sa Agriculture, Forestry and Fishing ang Central Luzon ang may pinakamalaking bahagi sa 13.5%, kasunod ang Northern Mindanao at Western Visayas sa 10.5% at 9.6%.
Samantala, tumaas ang household spending noong 2021 para sa lahat ng rehiyon kung saan ang Caraga ay nakapagtala ng pinakamataas na rate ng paglago sa 10.6%.
Sinundan ito ng Eastern Visayas, Cagayan Valley at CAR sa 10.2%, 9%, at 8%.
Sa usapin ng government spending, lahat ng rehiyon ay nakapagtala ng positibong paglago noong 2021 kung saan ang BARMM ang nangunguna sa mga rehiyon sa 12.6%, sinundan ng Cagayan Valley sa 11.6%, Central Luzon sa 8.9%, at NCR sa 7.7%.
Real per capita GDP – isang sukatan ng kabuuang pang-ekonomiyang output sa bilang ng mga tao – kung saan ang CAR ay nangunguna sa mga rehiyonal na ekonomiya na may 6.6% per capita growth rate.
Sinundan ito ng Caraga sa 6.1%, Central Luzon at CALABARZON na may tig-5.7%.