-- Advertisements --

Pansamantala munang ililibing ng mga kinauukulan ang mga bangkay na narekober mula sa gumuhong lupa sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro na hanggang sa ngayon ay hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan.

Sa ulat, sa ngayon ay nasa 17 mga bangkay pa ang nananatiling unidentified at unrecognized.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maco, ang desisyong paglilibing sa naturang mga labi ay alinsunod sa naging rekomendasyon ng municipal health office bilang bahagi ng pagpapatupad ng health protocols.

Ang mga ito ay hindi ieembalsamo at ilalagay sa cadaver bags bago ilibing bilang pagrespeto sa paniniwala ng kanilang naulilang mga kaanak.

Lalagyan din ang mga ito ng kaukulang markings para sa mas madaling identification kung kinakailangan.

Samantala sa ngayon ay patuloy naman ang ginagawang pag-apela ng Maco LGU sa mga pamilyang may mga kaanak na nawawala na bisitahin ang dalawang funeral homes sa lugar kung saan dinadala ang mga narerekober na bangkay mula sa landslide.