Sa susunod na buwan inaasahang may 16,000 locally-made test kits nang magagawa kada araw ang manufacturer ng binuong kits ng mga eksperto mula sa University of the Philippines.
Ayon kay Dr. Raul Destura, na siyang namuno sa development ng nasabing test kits, simula nitong Abril ay sinimula na ng Manila HealthTek Inc. ang “all-out” na produksyon ng murang test kits.
Target daw sana nila na pagpasok ng Mayo ay lumobo na ang 6,000 hanggang 8,000 test kits na ginagawa kada araw ngayon.
“We are currently manufacturing 6,000 to 8,000 tests per day and we’re hoping to increase it further to 16,000 tests per day by May 1,” ani Destura.
Paliwanag ng microbiologist at infectious disease expert, kumpleto ang test kit na kanilang dinevelop dahil sa features nito na extraction kit, viral transport medium at dalawang swab.
Katunayan, may kakayahan daw makapag-test ng 25 katao ang isang kit.
“‘Yung test kits na na-develop natin is also an RT-PCR test katulad no’ng ginagamit natin ngayon. Ano siya, one-step test, meaning sa isang run, na-identify mo na kaagad ‘yung target plus may internal control para malaman mo kung tama ‘yung ginawa no’ng technologist,” ayon sa eksperto.
Sa ngayon sinagot daw ng Department of Science and Technology ang 26,000 kits na ipinamahagi sa mga testing facilities.