KORONADAL CITY – Inilibing na ang 16 na taong gulang na batang babae na ginahasa bago pinatay sa isang pribadong sementeryo sa bayan ng Banga, South Cotabato kaninang hapon.

Naging emosyunal ang mga dumalo sa libing ni Barbie Bernardino Inocencio, Grade 10 student ng Notre Dame of Banga kung saan nakasuot pa ng puting t-shirt na may nakasulat na “Justice for Barbie” ang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala nito.

Naging mahigpit din ang seguridad ng Banga PNP sa libing matapos na una nang hiniling ng pamilya Inocencio ang police escort dahil sa pananakot na natatanggap ng mga ito.

Ayon kay Banga Mayor Albert Palencia, personal niyang nakusap si Babylyn Inocencio ang ina ng biktima at may mga impormasyon itong inihayag sa alkalde.

Napag-alaman na ang sasakyan mismo ng ina ni Barbie ang sumundo sa biktima sa paaralan bago pa ito naiulat na missing at pagkalipas ng ilang araw natagpuan na lamang ang bangkay nito.

Inamin din umano ng ina ng biktima na nirentahan ng suspek na si Richard Gumilid ang sasakyan nito.

Matatandaan na napatay ang suspek na si Gumilid matapos na manlaban umano sa mga otoridad.