-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nasa 16 wanted persons ang naaresto ng mga tauhan ng Malay Municipal Police Station sa isinagawang pagsisilbi ng mga warrants of arrests sa Isla ng Boracay.

Ayon kay P/Lt.Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay PNP ang naturang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mga naturang wanted persons na karamihan ay may kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o mas kilala sa tawag na Revised Forestry Code of the Philippines na pawang residente ng Mt. Luho sa isla.

Agad na nakalaya ang mga ito matapos na maglagak ng piyansa.

Nabatid na ang mga suspek ay kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kasagsagan ng rehabilitasyon sa isla noong 2018.

Dagdag pa ni De Dios na nagpapatuloy ang kanilang intensified campaign laban sa mga wanted person sa hangaring mahuli ang natitirang iba pa upang hindi na makagawa ng anumang krimen at mapanagot sa batas.