Nasa kabuuang 156 na banyagang nagtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na idineklarang iligal na nag-ooperate sa bansa ang na-deport base sa datos noong Disyembre 31 ng nakalipas na taon.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nasa proseso na ang Bureau of Immigration (BI) sa pag-secure ng lahat ng kinakailangang dokumento at clearance para sa deportasyon ng natitirang 212 banyaga na walang mga travel documents at mayroon ng airline tickets pabalik sa kanilang pinagmulang bansa.
Saad pa ng Justice Secretary na base sa ulat mula kay BI Commissioner Norman Tansingco, mula noong Disyembre 31, 2022 matagumpay na na-deport ng Immigration Bureau ang kabuuang 156 mula sa 368 dayuhan na konektado sa mga operasyon ng ilegal na POGO sa Pasig City at Angeles City.
Iniulat din ni Tansingco na nasa 42 % na ang implementation rate para sa deportation ng POGO workers na iligal na nag-ooperate sa bansa.
Sa mga na-deport, 7 dito ay Vietnamese national na napabalik na noong Disyembre 16, 2022. May kabuuang 27 pang dayuhan ang napadeport noong Disyembre 21, 2022.
Una ng napadeport noong Oktubre 19, 2022 ang anim na Chinese nationals na manggagawa ng POGO.
Magugunita na ipinatupad ang deportasyon sa mga dayuhang manggagawa matapos kanselahin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang permit to operate ng 176 POGOs dahil sa hindi pagsunod sa mga batas sa pagbubuwis sa ating bansa sa gitna ng tumataas na krimen na may kaugnayan sa nasabing industriya.