-- Advertisements --

Aabot sa 15,000 healthcare workers daw ang kailangan ng Department of Health (DOH) sa kanilang emergency hiring bilang dagdag na pwersa laban sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nag-request na ang kanilang kagawaran sa Department of Budget and Management (DBM) ng dagdag na pondo para susustento sa pangangailangan ng healthcare workforce.

Sa ngayon daw ang napo-proseso na budget pa lang daw ay yung para sa 857 healthcare workers na nag-volunteer.

Nag-realign ng P7.9-milyong budget ang DOH para sa Resarch Institute for Tropical Medicine (RITM).

Layunin daw nito na mabigyan ng sweldo at benepisyo ang 22 healthcare workers nito. Sa ngayon kasi may 160 na healthcare workers ang pasilidad.

May pitong healthcare facility naman na raw ang nagsabi ng kailangan nila ng dagdag na pwersa.

Mula sa mga ospital, 701 slots para sa Lung Center of the Philippines, Philippe General Hospital, Tala Sanitarium at RITM.

“Inaabangan pa natin ang human resources requirements ng ibang pasilidad.”

“Bukod dito, nagtatalaga na ang kagawaran ng 639 nurses sa ilalim ng Nurse Deployment Program ng DOH at LGU hospitals sa buong bansa. (Ang) 192 ay nasa Luzon, 447 naman ay sa Visayas at Mindanao.”

Ani Vergeire, nananatiling prayoridad ng DOH para sa healthcare workers ang emergency hiring at pagbibigay ng benepisyo sa mga ito.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act, may matatanggap na benepisyo ang healthcare workers, maging ang volunteers ng sektor na tutulong sa paghawak ng COVID-19 cases.