Aabot pa sa 1,500 ang backlog ng mga laboratoryo sa bansa para sa samples na kailangan ng resulta sa COVID-19 test.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, patuloy na nakakaranas ng aberya ang ilang laboratoryo kaya naantala ang kanilang proseso sa pagte-test.

Gaya na lang daw ng Vicente Sotto Memorial Medical Center sa lalawigan ng Cebu.

Mula noong Mayo, nasa 4,000 backlog na raw ang natapyas ng mga laboratoryo mula sa dating 13,000 hanggang 14,000 backlog.

“By the end of last week, mayroon tayong natirang 1,000 na backlogs. Noong Saturday, nagkaroon ako ng report na 2,200 backlogs. Yesterday, it was down to 1,509,” ani Vergeire.

“It’s erratic owing to the different operational issues that each laboratory is facing. Makikita natin na sa pang-araw araw na mayroon pago-operate ng mga labs, mayroong tayong nae-encounter na issues operationally.”

Ayon sa DOH, in-extend na nila nang hanggang alas-6:00 ng gabi ang deadline ng mga laboratoryo sa pagre-report ng mga lumabas na resulta.

Pero may iba pa rin daw talagang hindi nakakaabot dahil hindi pa rin tapos sa proseso at encoding.

“I think part of the problem also would be the increased samples that are being received by some of our laboratories, especially those highly populated areas.”

Pumapalo na raw sa higit 10,000 ang test na nagagawa ng mga higit 50 certified COVID-19 testing laboratories sa bansa ayon sa DOH.