Pansamantalang naka-quarantine ang halos 150 health workers ng The Medical City sa Pasig City dahil sa kanilang exposure sa ilang pasyente ng ospital na nag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang inamin ng presidente at chief executive officer ng ospital na si Dr. Eugenio Jose Ramos sa isang panayam, na nagpayo sa ilang nurse at doktor na umuwi muna ang mag-quarantine ng 14 na araw.

Kabilang daw sa mga pinag-isolate ng ospital ang 95 na nurse, 13 residents at fellows, 12 emergency room physicians, at 24 house staff.

Sa ngayon may ilan na raw na nakabalik sa kanilang duty dahil nanatili silang asymptomatic.

Pero, ilang pasilidad naman ng ospital ang umabot na umano sa kapasidad gaya ng Intensive Care Unit, kung saan apat na patients under investigation ang naka-hook sa respirator.

Nagkakaubusan na rin daw ng personal protective equipment para sa mga health personnel.

Katunayan, ang mga supply na meron ngayon ang ospital ay galing umano sa mga donasyon at suppliers.

Batay sa datos ng Department of Health, 35 mula sa 307 na positive case ng COVID-19 ang na-admit sa The Medical City.