Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) nanasa ligtas na kalagayan at accounted na ang lahat ng 15 Pilipinong seaferer na lulan ng marine vessel na Al Jasrah na tinamaan ng drone attack.
Ang Al Jasrah ay isang container ship na tinamaan ng missiles sa drone attack na kagagawan ng Houthi rebels mula Yemen na nangyari kahapon, Disyembre 15 habang patawid ito ng Bab al Mandeb strait na konektado sa Red Sea patungong Gulf of Aden.
Ipinaalam ng manning agency ng nasabing mga Pilipinong seaferer sa DMW at sa shipping company nito ang insidente.
Kaugnay nito, nag-isyu ng direktiba si DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac sa Sea-Based Operations Unit ng ahensiya para ipagpatuloy ang pag-monitor sa sitwasyon ng mga Pilipino at makipagtulungan sa manning at shipping company ng barko para matiyak ang seguridad ng mga Pilipinong seaferer.
Ipinag-utos din ni Cacdac sa manning agency na makipagkita sa mga pamilya at kamag-anak ng Pilipinong crew members at DMW para magbigay ng regular updates hinggil sa kanilang kalagayan at kaligtasan.