Pinangunahan ng militar sa Isabela ang “Kasalang Bayan” para sa mga Katutubo na mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.
Nasa 15 pares mula sa tribo nang Agta, Calinga, Ibanag at Ifugao ang nakiisa at sabay na ikinasal na.
Ayon kay 95th Infantry Battalion, Commanding Officer Lt.Col. Lemuel Baduya, ang nasabing hakbang ay bunsod sa pagtutulungan ng mga kasundaluhan, lokal na pamahalaan sa pangunguna ni San Mariano Mayor Edgar Go, NCIP at TESDA na nagsilbi ding mga sponsor.
Sinabi ni Baduya, ang kasalang bayan ay itinuring na napaka memorableng pagtitipon para sa mga dating kalaban ng gobyerno na walang kinikilalang batas at walang paniniwala sa diyos.
“Bilang pagkalinga sa aming mga Katutubo at former rebels na nagbalik loob, sila ay aming pinaghandahan sa pinaka mahalagang araw ng kanilang buhay mag asawa “Araw ng kasal,” wika ni Lt. Col. Baduya.
Si retired Col. Monico Aggabao, ang Municipal Administrator ang siyang humalili at kumatawan para sa pagbibigay ng basbas sa bawat pares.
Mensahe ni Aggabao para sa bawat pares,” Ang inyong pagsasama ay hindi lamang masusukat sa papel kundi sa katatagan at pagkakaunawaan, gawin niyong inspirasyon ang inyong nakaraan upang lalo pa kayong tumibay at maging responsableng mamayan ng ating Bayan.”
Lubos namang nagpasalamat si Baduya sa pamahalaang lokal ng San Mariano, Isabela, NCIP at TESDA at iba pang mga lokal na opisyal sa suportang ibinahagi ng mga ito para sa Kasalang Bayan.
Giit ng opisyal, ang mass wedding ay isa lamang sa napakaraming benepisyo at serbisyo na matatamasa ng bawat kapatid na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Kasabay ng pag-iisang dibdib ng mga dating rebelde, kanila rin sisimulan ang panibagong yugto sa kanilang buhay.