CAUAYAN CITY – Isinailalim sa 15 araw na total lockdown ang Brgy. San Fernando, Alicia, Isabela kung saan galing ang isang indibidwal na nagpositibo sa COVID-19.
Nagsimula ang total lockdown sa Barangay San Fernando noong Hulyo 2 at magtatapos sa Hulyo 16.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Joel Amos Alejandro ng Alicia, Isabela na naka-total lockdown ang nasabing barangay dahil sa medyo marami ang nakasalamuha ng isang nagpositibo sa COVID-19 sa nabanggit na lugar.
Nagbigay na ang pamahalaang lokal ng food packs sa 231 kabahayan ng naturang barangay at sa mga susunod na araw ay magbibigay muli ng tulong ang LGU Alicia.
Mahigpit ang crisis managament team sa pagbibigay ng quarantine at travel pass na para lamang sa mga papasok sa trabaho at bibili ng mga gamot at iba pang mahalagang pangangailangan.