Umapela sa publiko si National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., na intindihin ang desisyon ng pamahalaan na hindi nito pwedeng ilabas ang negotiated prices ng mga bakuna.
Posible raw kasing mabulilyaso ang vaccine orders ng bansa na ipapamahagi para sa 70 milyong Pilipino.
Ayon kay Galvez, ang presyo ng mga bibilhing bakuna ng pamahalaan ay saklaw ng Confidentiality Disclosure Agreement (CDA) kung kaya’t hindi ito maaaring ilabas ngayong.
Maaari raw kasing mawala ang 148 million doses ng bakuna sa oras na lumabag ang gobyerno sa kanilang kasunduan.
Ginawa ni Galvez ang pahayag na ito kasunod na rin ng mga akusasyon ng korapsyon sa mga bibilhing bakuna dahil ayaw nilang isapubliko ang presyo ng mga ito.
Pagpapaliwanag ng kalihim na dumadaan sa tatlong stages ang vaccine negotiations kung saan bawat stage ay mayroong signing ng dokumento sa pagitan ng gobyerno at vaccine manufacturer at makikita ang detalyadong napagkasunduang presyo ng mga gamot.
Sinabi pa ni Galvez na hindi lamang sa isang manufacturer pumirma ng CDA ang pamahalaan kundi pati na rin sa iba pa nitong kausap.