Hindi bababa sa 14 na bata ang nasawi habang lima pa ang nasugatan matapos gumuho ang bubong ng isang tutoring center sa lungsod ng Lahore, silangang bahagi ng Pakistan noong Martes.
Kinumpirma naman ng mga opisyal ng lungsod ang bilang ng mga nasawi at sinabi na isang guro rin ang nasugatan.
Nabatid na nasa edad 4 hanggang 12 taong gulang ang mga biktimang nasawi. Patuloy namang ginagamot sa ospital ang mga nasugatan.
Dalawang tao ang inaresto ng mga awtoridad kaugnay ng insidente. Patuloy rin ang pagkalap ng ebidensya sa pinangyarihan ng trahedya.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif sa mga pamilya ng mga biktima at nag-utos ng agarang pagbibigay ng tulong medikal sa mga sugatan.
Ayon pa sa opisyal na kanilang ipatutupad ang “transparent, unbiased and immediate investigation” upang matukoy ang mga responsable sa maligim na insidente.
Napag-alaman na karaniwan na ang pagbagsak ng mga gusali sa Pakistan dahil sa mahinang safety standards at substandard na mga materyales. Noong nakaraang taon, 27 katao rin ang nasawi matapos bumagsak ang isang gusali sa Karachi, Pakistan.
















