Arestado ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group ang nasa 100 na mga indibidwal mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Ito ay matapos na ikasa ng naturang hanay ng pulisya ang unang araw ng kanilang mas pinaigting na police operation nito sa buong bansa.
Sa ulat ni PNP-CIDG chief PBGen Romeo Caramat Jr., nagresulta sa pagkakaaresto ng nasa 137 na mga indibidwal ang 128 na mga police operation na kanilang ikinasa sa buong bansa.
Mula sa naturang operasyon ay nakumpiska ng mga otoridad ang 18 mga dekalibreng armas, 2 explosives, at mahigit Php1.9 million na halaga ng valued evidence.
Kabilang sa mga operasyong ito ay ang 98 rigorous manhunt operations laban sa mga wanted individuals o ang tinatawag na OPLAN Pagtugis na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa 33 Most Wanted Persons, at gayundin ang pagkakaaresto ng nasa 65 iba pang mga pugante.
Bukod dito ay ibinida rin ng CIDG ang kapansin-pansing tagumpay laban sa Smuggling and Manufacturing, Distribution and Trading ng mga Counterfeit Items kung saan arestado naman ang pitong economic saboteurs sa apat na operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng nasa Php1,905,140.00 million na halaga ng ebidensya.
Habang mayroon namang 18 mga indibidwal ang naaresto sa 7 police operationas ng iba pang Law Enforcement Activities kung saan nasabat naman ang nasa Php32,505.00 na halaga ng ebidensya.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni PNP-CIDG chief PBGen Caramat na alinsunod sa panawagan ni PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr. ay mas palalakasin pa ng kanilang hanay ang pagsasagawa ng mga komprehensibong operasyon sa buong bansa sa pamamagitan ng mga pangunahing programa nito upang sugpuin ang mga ilegal na aktibidad at arestuhin ang mga puganteng pinaghahahanap ng batas.