-- Advertisements --

Aminado ang pamunuan ng PNP Region 3 na delikado ang ginawa ng mga pulis ng Station 5 sa Angeles City, Pampanga na kalokohan kung saan kunyari inaaresto ng mga ito ang isang indibidwal.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PRO-3 regional police director, B/Gen. Valeriano De Leon, sinabi nito na posibleng magresulta sa labanan ang nasabing insidente.

Sa ngayon sibak na sa kanilang pwesto ang 13 pulis mula sa Station 5 dahil sa prank video na nag viral sa social media.

Sinabi ni De Leon, sasampahan ng kasong administratibo ang mga sangkot at pinag-aaralan na rin ang pagsasampa ng kasong kriminal.

General Val De Leon
PBGen. Valeriano de Leon/ FB image

Ayon sa heneral, nilabag ng mga pulis ang minimum health safety protocols dahil kita sa video na walang mga facemask at face shield ang mga ito.

Pinaalalahanan din ni De Leon ang mga police commanders na ayaw na niya na maulit pa ang naturang insidente.

Sa kabilang dako, pinalakas pa ng PNP Region 3 ang kanilang checkpoint operations sa mga border lalo na at extended ang enhanced community quarantine sa NCR Plus Bubble.

Sinabi ni De Leon, hindi na nila dinagdagan pa ang pwersa sa checkpoints bagkus pinalitan lamang ang mga pulis ng sa gayon makapagpahinga naman ang mga ito.

Kinumpirma ni De Leon na pinulong sila kahapon ni PNP chief Gen. Debold Sinas, kasama ang regional police director ng Calabarzon at NCR para magsagawa ng assessment sa kanilang ipinatutupad na mga checkpoint at quarantine control points.