-- Advertisements --

Hindi bababa sa 13 katao ang nasawi sa magkahiwalay na pag-atake ng Russia at Ukraine nitong nakaraang araw.

Sa bahagi ng Ukraine, tinarget ng Russia ang mga lungsod ng Zaporizhzhia, Odesa, Kharkiv, Sumy, Donetsk, at Kryvyi Rih, na nagresulta sa pagkamatay ng mga sibilyan at pagkasira ng mga gusali.

Sa kabilang banda, iniulat ng Russia na isang sibilyan ang nasawi sa Belgorod region dahil sa shelling ng Ukraine.

Ayon sa mga ulat, gumamit ang Russia ng guided bombs, missile strikes, at drone attacks na nagdulot ng malawakang pinsala at sugatan sa mahigit 50 katao.

Sa Odesa, tumama ang missile strike sa imprastrukturang sibilyan, habang sa Sumy region tatlo ang nasawi sa aerial bomb attack.

Samantala, iniulat ng Moscow na tinarget ng Ukraine ang ilang cargo ships sa Sea of Azov, na ginagamit para sa transportasyon ng agricultural products at supply sa Crimea.

Patuloy na tumitindi ang tensyon sa digmaan na mahigit apat na taon nang tumatagal, kung saan ang United Nations ay nagbabala na Hunyo 2026 ang naging pinakamadugong buwan para sa mga sibilyan mula pa noong Abril 2022.