Nakatakdang magpulong ang 13 komite ng Kamara sa pangunguna ni Sepaker Faustino Dy III, bukas April 8,2026 upang talakayin ang agarang tugon sa tumataas na presyo ng langis dulot ng labanan sa Gitnang Silangan.
Gaganapin ang joint hearing sa People’s Center Building at pamumunuan ito ni Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Layunin ng pagpupulong na pagsamahin ang datos at makabuo ng konkretong hakbang para sa agarang tulong at pangmatagalang solusyon sa krisis sa langis. Tatalakayin din ang suplay ng enerhiya, epekto sa ekonomiya, at posibleng mga polisiya.
Inaasahang dadalo ang iba’t ibang kalihim ng gabinete at opisyal ng pamahalaan upang magbigay ng ulat at rekomendasyon.
Ayon kay Quimbo, mahalaga ang koordinasyon ng lehislatura at ehekutibo upang mabilis na maipatupad ang mga hakbang na makakatulong sa mga sektor na pinakaapektado.
Inaasahang dadalo sa pagdinig sina BIR Commissioner Martin Mendoza, BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at National Treasurer Sharon Almanza.
Ayon kay Quimbo, layunin ng joint hearings na makalikom ng mahahalagang datos at maiayon ang magiging tugon ng Kamara sa patuloy na hakbang ng Ehekutibo, upang makabuo ng mga panukalang maaaring agad ipatupad para maprotektahan ang mga bulnerableng sektor.
Dagdag pa niya, inaasahan din na susuriin ng multi-committee body ang mga targeted na ayuda, suportang piskal, at mga repormang istruktural upang mabawasan ang epekto ng pandaigdigang oil shocks sa bansa.










