-- Advertisements --

Inisyuhan ng Social Security System (SSS) ng show-cause order ang mga kompanya na contribution evader o hindi nagsusumite ng tamang SSS contribution ng kanilang mga tauhan.

Aabot sa 13 establisyemento na may dalawang large account sa lungsod ng Pasig ang naging sentro ng operasyon ngayong Biyernes.

Bahagi ito ng Run After Contribution Evaders (RACE) ng naturang ahensya.

Sinabi ni SSS Executive Vice President Voltaire Agas na ang manggagawa ang lubos na maaapektuhan kapag hindi nahulugan ng kanilang employer ang kanilang contribution.

Dito kasi nakabase ang kanilang benepisyong makukuha tulad ng pension, maternity benefits loan, at iba pa.

Paliwanag ng opisyal, marami sa mga establisyemento ang kinakatwiran na nakalimot sila sa paghuhulog habang ang iba naman ay nahirapang maghulog dahil sa pandemya.

Bibigyan ng 15 araw ang mga kompanya na inisyuhan ng show-cause order.

Kung sakaling hindi nila ma-settle ang kanilang obiligasyon ay sasampahan sila ng kaso sa Prosecutor’s Office.

Sa kabuuan, aabot na sa 73 RACE operations ang naisagawa ng SSS sa buong bansa nitong mga nakalipas na araw.