Ibinunyag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar na nasa kabuuang 12 militia vessels ang tumulong sa China Coast Guard (CCG) ng mangyari ang water cannon incident sa Ayungin shoal noong Sabado.
Ayon sa opsiyal, base sa report na nakuha mula sa kanilang units sa ground, namataan ng mga sundalo ng Pilipinas na mayroong 12 maritime militia na sumusuporta sa anim na barko ng CCG at mayroon ding presensiya ang People’s Liberation Army Navy sa may bisinidad ng Ayungin shoal.
Nilinaw din ng AFP official na hindi lahat kasama sa ginawang pagharang, pambomba ng tubig at mapanganib na pagmaniobra ng CCG sa resupply boat ng Pilipinas.
Una ng sinabi nitong Miyerkules ng National Security Council na gumamit ang CCG ng isa sa pinakamalakas na water cannons sa buong mundo laban sa mga barko ng Pilipinas na naglagay sa buhay ng mga personnel ng PCG at AFP sa panganib na lulan ng naturang mga barko habang nagsasagawa ng resupply mission sa outpost ng PH sa Ayungin shoal na BRP Sierra Madre.