-- Advertisements --

NAGA CITY – Nakatakdang dumating ngayong araw sa Bicol Region ang tinatayang nasa 12,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccine.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Rita Mae Ang-bon, ang COVID-19 Vaccine coordinator ng DOH-Bicol, sinabi nito na darating sa Legazpi City Airport ang supply ng COVID-19 vaccines, na sasalubongin mismo ng Department of Health at ng Philippine National Police.

Ayon kay Ang-bon, idederetso ang mga ito sa cold storage ng Department of health, Bicol Regional office para sa accounting.

Sa nasabing araw sisimulan rin mismo ang distribusyon ng mga bakuna sa apat na pilot hospital sa rehiyon: ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi City, Bicol Medical Center (BMC) at NICC Doctors Hospital sa Naga City, gayundin ang Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center sa bayan ng Cabusao sa probinsya ng Camarines Sur. 

Mamayang tanghali naman inaasahan ang pagdating sa lungsod ng Naga ang convoy sakay ang nasabing mga bakuna.