-- Advertisements --
adiong

Pamilya ang tinitignang motibo ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa naging pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong nitong nakalipas na araw.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang follow up operations ng pulisya kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ukol dito para tukuyin kung ano nga ba talaga ang dahilan at motibo sa nasabing ambush.

Ngunit sa kasalukuyan ay “Rido” o away pamilya ang kanilang tinitignang posibleng naging motibo sa naturang krimen.

Kaugnay nito ay sinabi rin ni Azurin na tinawagan na niya si Moro Islamic Liberation Front Chairman Murad Ebrahim para makiisa na rin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.

Lalo na’t teritoryo daw ng Moro Islamic Liberation Front ang pinangyarihan ng nasabing pananambang dahilan kung bakit umaasa ang hepe ng pambansang pulisya na pangungunahan nito ang pagkontrol sa namumuong tensyon doon.

Samantala, una nang sinabi ni Lanao del Sur 1st district representative Zia Alonto na ikinagulat ng kanilang pamilya ang nangyaring ambush dahil wala naman aniyang nababanggit na anumang banta ang gobernador sa kaniyang buhay.

Kung maaalala, batay sa inisyal na ulat ng pulisya, apat ang nasawi sa naturang insidente habang kasalukuyan namang nagpapagaling ngayon sa ospital ang tinarget na tambangan na gobernador nang dahil sa mga tinamo nitong tama ng bala dahil sa pamamaril ng hindi pa nakikilalang gunmen.