Plano ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ma-repatriate o mapabalik sa bansa ang nasa 115 Pilipino sa Sri Lanka bago matapos ang kasalukuyang buwan ng Hulyo sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na nararanasang krisis sa ekonomiya doon.
Sinabi ni Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega ngayong araw na mula sa 700 Pilipino na nasa Sri Lanka, mayroon na aiyang nasa humigit kumulang 115 Pilipino ang dumulog sa ahensiya na nais na nilang makauwi sa Pilipinas dahil mahirap ang buhay at kasalukuyang sitwasyon ngayon sa naturang bansa.
Tugon ng DFA official na dapat aniya na bago pa man matapos ang Hulyo ay mayroon ng nakauwi na mga Pilipino.
Tiniyak naman ni De Vega na mayroong nakahandang pondo para sa repatriation ng mga Pilipino para makabili ng kanilang commercial flight tickets pabalik ng Pilipinas.
Sa ngayon kasi pahirapan pa na makapag-areglo para sa mas mabilis na flight para sa repatriation dahil sa sitwasyon sa Sri Lanka.
Siniguro din ng DFA official na may naghihintay na reintegration program para sa mga repatriated Filipino mula Sri Lanka at hindi magiging displaced workers ang mga ito.