Sasampahan ng kasong multiple murder ang 11 suspek na natukoy ng Philippine National Police (PNP) sa pagpatay sa apat na pulis sa Negros Oriental.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, kasama sa mga kakasuhan ang chairman ng barangay kung saan naganap ang krimen.
Ang 11 suspek ay pawang mga miyembro ng CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-New People’s Army).
Sinabi ni Albayalde na kahit walang pabuya na ibibigay para sa ikadarakip ng mga suspek, kaniyang sisiguraduhin na mananagot sa batas ang mga ito.
Pero nagpasalamat ang PNP kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tulong nito para maaresto at mapanagot ang mga nasa likod ng pamamaslang sa apat na pulis.
Giit ng PNP chief, malaking tulong ang reward money para maengganyo ang sinuman na magbigay ng impormasyon.
Kagabi nang inanunsiyo ni Pangulong Duterte na magbibigay siya ng P1 million reward para sa ikakaaresto ng mga suspek at dadagdagan niya ng P300,000 kapag napatay ito.
Una rito, apat na pulis ang rumesponde sa sumbong ng presensya ng mga armadong grupo pero sila ay hinarang at tinorture bago binaril ng teroristang grupo sa ulo.
Ayon sa PNP chief, maraming testigo ang nakakita sa mga suspek dahil tinipon ng NPA ang mga taga-barangay para saksihan ang “execution” sa mga pulis.
Kaya aniya kasama sa kakasuhan ang barangay kapitanay dahil kaduda-duda na wala itong alam sa aktibidad ng NPA sa kanyang lugar.
Nabatid kasi sa imbestigasyon na hinarap pa ng punong barangay ang mga pulis na nagtungo sa kanila, bago naganap ang krimen pasado alas-2:00 ng hapon noong nakaraang Huwebes.
“Whether ‘yung reward or not we are duty bound to go after these people dahil pinatay nila no less than our armed members. Siguro ang kagandahan doon ma enganyo ‘yung mga taumbayan to come out and speak dahil alam namin na maraming nakakita rito because our policemen were executed right in front of the barangay folks there,” pahayag ni Albayalde.










