-- Advertisements --
Beirut blast lebanon

Kinumpirma ng Department of Foreing Affairs (DFA) na nadagdagan pa ang bilang ng mga sugatan dahil sa malakas na pagsabog sa Beirut sa Lebanon.

Dahil dito, ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Eduardo Meñez, umakyat na sa walo ang bilang ng mga sugatan sa naturang pagsabog na ngayon ay patuloy pang inimbestigahan.

Maliban sa mga sugatan, nasa 11 Pinoy din umano ang nawawala sa pagsabog sa kabisera ng naturang bansa.

Una nang napabalita na dalawang Pinoy ang namatay doon dahil malakas na pagsabog.

Ayon sa statement ng DFA, ang mga Pinoy ay nasa loob ng bahay ng kanilang mga employers nang mangyari ang pagsabog.

Tinatayang nasa 33,000 ang mga Filipino sa naturang bansa.

Sa naturang pagsabog, 78 na ang namatay habang mahigit 4,000 ang sugatan.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang pinagmulan ng pagsabog pero ayon sa mga opisyal doon, posibleng ang 2,700 tonnes o 2,700,000 na kilo ng mga nakumpiskang ammonium nitrate na nasa warehouse sa naturang port sa loob ng anim na taon ang sumabog.

Ang ammonium nitrate ay ginagamit bilang kasangkapan sa paggawa ng pampasabog sa mga minahan, quarrying at civil construction.