ILOILO FLOODS URSULA

(Update) ILOILO CITY – Nadagdagan pa sa 11 ang bilang ng mga nasawi bunsod ng pagdaan ng bagyong Ursula sa Iloilo.

Kabilang sa mga huling napabilang sa listahan ay isang Jomar dela Cruz na nalunod sa Balasan, Iloilo.

Isa rin ang namatay matapos madaganan ng puno ng buri at isa rin ang nalunod makaraang tinangkang kunin ang kanyang bangka na inanod ng malakas na hampas ng alon sa Batad, Iloilo.

Patay din ang isang lalaki matapos malunod ng nangunguha ng alimasag sa Carles, Iloilo.

Ang biktima ay kinilalang si Abe Tolosa Ignacio residente ng Brgy. Cabilao Grande, Carles, Iloilo.

Sa tala ng Bombo news team, isa ang patay sa Balasan Iloilo matapos inanod ng baha, dalawa sa Balasan Iloilo kung saan ang isa ay namatay dahil sa hypothermia at isa ay na cardiac arrest habang nasa evacuation center.

Isang tripulante rin ang patay matapos inanod ang sinasakyang bangka sa Batad, Iloilo.

Samantala, nagpapatuloy pa ang search and retrieval operation upang makita ang tatlong miyembro ng isang pamilya na inanod ng baha sa Brgy. Pasayan, Batad, Iloilo.

Una nang nakitang patay ang ama na si Roel de Asis, 41, at mga anak nito na sina Mimi de Asis, 15, at Yanyan de Asis.

Labis naman ang paghihinagpis ni Andrea De Asis, maybahay ni Roel sa sinapit ng kanyang pamilya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Andrea, sinabi nito na nagbabakasyon lang siya sa Iloilo at nakatakda sanang bumalik sa bansang Kuwait upang magtrabaho bilang domestic helper.

Sa ngayon, umaasa pa ang ina na makitang buhay ang isa pa nitong anak na nananatiling missing.

Samantala, hindi pa rin madaaanan ang mga kalsada sa Northern Iloilo na labis na naapektuhan ng bagyong Ursula.

FLOODS ILOILO URSULA