Matagumpay na naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang labing-isang indibidwal na pinaghihinalaang biktima ng Human Trafficking sa Mactan- Cebu International Airport.
Sa paunang imbestigasyon na isinagawa ng BI, lumalabas na patungo ang mga ito sa Dubai , United Arab Emirates noong Hunyo 21 ,2023.
Kabilang sa mga naharang na indibidwal ay pitong babae at apat na lalaki.
Dahil sa naturang pagkakaharang ay kaagad na isinangguni ang mga ito sa Travel Control and Enforcement Unit para sa karagdagang imbestigasyon.
Ayon kay Christabel Cuizon, supervisor ng Mactan- Cebu International Airport Travel Control and Enforcement Unit, sinabi nito na talagang kaduda duda ang layunin ng kanilang byahe.
Dagdag pa nito na dato na umanong na offload ang grupo at nakitaan ito na may mga employment visa.
Itinurn over naman ang mga ito sa Inter-Agency Council Against Trafficking Task Force sa Cebu.
Ang Dubai, ay matagal nang pinipiling destinasyon para sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho.
Ito ay nagsisilbing final stop o transit point sa ibang mga bansa sa Africa ar Middle Eastern.
Gayunpaman, ang mga pagkakataon ng pagsasamantala at pang aabuso ay naiulat sa mga awtoridad ng Pilipinas partikular na ang mga kinasasangkutan ng mga Pilipinong umaalis ng bansa ng hindi dumaan o sinusuri ng Philippine Overseas Employment Administration ang kanilang kontrata sa pagtatrabaho.
Pinuri naman ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco ang ipinakitang pagbabantay ng mga tauhan nito sa Mactan -Cebu International Airport.
Sinabi pa nito na saludo ang kanilang ahensya sa pagsusumikap at dedikasyon ng kanilang mga tauhan.
Aniya, ang matagumpay na pagkakaharang sa mga ito ay nagpapakita lamang ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang human Trafficking upang maprotektahan ang mga mamamayan nito mula sa anumang pagsasamantala.
Dagdag pa nito na magsilbi sana itong paalala sa mga potential na OFWs na kinakailangan pa ring sundin ang tamang channel at i secure ang kinakailangang dokumento upang matiyak ang kaligtasan at kagalingan habang nasa ibang bansa.
Kung maaalala, kamakailan lamang ay napanatili ng Pilipinas ang Tier 1 ranking nito sa ulat ng Trafficking in Persons ng United States sa walong magkakasunod na taon na muling nagpatibay sa pangako nitong labanan ang Human Trafficking at suportahan ang mga biktima.