-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpapagaling na sa quarantine facility ng Ilagan City ang 10 guro na nagpositibo sa COVID (Coronavirus Disease).

Pawang mga guro sa isang pampublikong paaralan sa Lunsod ng Ilagan ang mga nagpositibo sa COVID-19.

Samantala, sa Cagayan Valley Medical Center naman sa Tuguegarao City ang isa pang guro na COVID positive.

Sa inilabas na impormasyon ng City Health Office, unang nagpositibo ang isa sa mga guro at dahil sa preparasyon sa pagbubukas ng klase ay nagkaroon ito ng contact sa mga kapwa niya guro.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Inter-Agency Task Force (CIATF) Focal Person Ricky Laggui, sinabi niya na matapos na matuklasan na COVID-19 positive ang isang guro ay agad na sumailalim sa isolation ang 14 na guro sa pasilidad ng kanilang paaralan habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.

Lumabas sa swab test ng mga guro na 10 sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19 at dinala sila sa mga isolation unit ng pamahalaang Lunsod ng Ilagan.

Sinabi ni Ginoong Laggui na tinamaan ng virus ang isang guro na nakasalamuha ang isang nagpositibong pasyente.

Samantala, hindi pa pormal na naglabas ng pahayag ang Schools Division Office sa Lunsod ng Ilagan hinggil sa pagpositibo ng 11 na guro sa kanilang nasasakupang lugar.

Naka-isolate na umano ang nakasalamuha ng mga guro lalo na ang kanilang pamilya sa mga isolation unit sa Lunsod ng Ilagan.

Muling hiniling ng CIATF ang kooperasyon ng mga mamamayan dahil bukod sa mga guro na positibo sa deadly virsu, ay mayroon ding mga kawani ng ibang ahensiya at mga frontliner ang tinamaan.