-- Advertisements --
MV Tug Clyde

LEGAZPI CITY – Napagdesisyonan ng Regional Task Force, local government units at Office of Civil Defense (OCD)-Bicol na sa karagatan na mismo isailalim sa quarantine ang 11 crew ng MV Tug Clyde na mula sa Indonesia at nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD-Bicol Director Claudio Yucot, ngayong araw inaasahang darating sa Albay ang naturang tug boat subalit maaaring maantala ito matapos na bumagal ang takbo dahil sa mga pag-ulan.

Kasama rin sa nabuong plano ng mga otoridad ang paglaan ng isang barko na hihila sa dalang barge ng tug boat upang maihatid pa rin ang kargang coal nito.

Ayon kay Yucot, mahalaga na agad madiskarga ang naturang mga coal lalo pa’t isa itong environmental hazard na maaaring makasira sa karagatan sakaling mapabayaan.

Samantala, hangad naman ng mga lokal na otoridad sa Albay na maimbestigahan kung papaanong napayagan pa rin na makabiyahe ang tug boat gayong nagpositibo na ang 12 sa 20 sakay nito sa COVID 19 noong nasa Butuan pa lamang.