-- Advertisements --

BANGKOK – Pinaplano ng pamahalaan ng Thailand na magtayo ng 10,000 field-hospitals sa Bangkok dahil sa pagsirit pa sa bilang ng kanilang COVID-19 cases.

Ayon kay Dr. Suksan Kittisupakorn, director-general ng Thailand Medical Service Department, paraan ito ng pamahalaan para makumbinse ang publiko na kontrolado pa rin ang pandemya.

“We aim to increase (field) hospital beds to 10,000 in no time, which should give the public confidence that we can still contain this round of outbreak,” ayon sa opisyal.

Ilang ospital na raw sa city capital ang pansamantalang nagtigil sa kanilang COVID-19 testing dahil sa kulang na test kits.

Bukod dito, puno na rin umano ang mga pagamutan na ito.

Sa kasalukuyan, tinatayang 31,658 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Thailand, na sinasabing nasa ikatlong wave na ng pandemya.

Batay sa monitoring ng kanilang Department of Disease Control, kumakalat na rin sa 62 probinsya ng Thailand ang mas nakakahawang B.1.1.7 variant.

“I’m very worried. If anyone does not need to travel, please stay home,” ani Thai Prime Minister Prayuth Chan-Ocha. (report from Reuters)