Agad na ihahain ni Senator Alan Peter Cayetano ang kaniyang panukalang 10K Ayuda Bill subalit iginiit na ang naturang proposal ay kailangan ng aksiyon mula sa Senado, kamara at sa Palasyo ng Malacanang.
Kasabay ng oath taking ceremony ng mga opisyal sa Taguig City kahapon, sinabi ni Cayetano na ang kanilang proposed legislation ay iba mula sa programang “Sampung Libong Pag-asa” na privately funded kung saan nasa P10,000 ang ipinapamahagi sa mga piling benepisyaryo.
Nagsimula ang naturang programa noong Mayo ng nakalipas na taon at pansamantalang natigil noong Pebrero ng kasalukuyang taon alinsunod sa guidelines ng Commission on Elections sa spending ban kaugnay sa 2022 elections.
Hiling ng Senador sa mga tumutuligsa sa kaniyang 10K ayuda Bill, na tumulong na lamang. Kung kaya lamang aniyang ibigay ang P10,000 sa bawat isa ay kaniyang gagawin subalit kailangan pa aniya itong magpasa ng isang legislative proposal.
Hinimok din ng Senador ang bagong Taguig-Pateros Rep Ricardo Cruz at Taguig 2nd District Rep Maris Amparo Zamora na maghain ng kanilang counterpart bill sa kaniyang pet bills na moral uprightness at sampung libong ayuda sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kailangan kasi na magpasa ng Senado at ng Kamara ng kani-kaniyang bersyon ng 10K Ayuda Bill bago ito ipapadala sa Office of the President para mgaing ganap na batas.
Ang panukala ni Senator Cayetano ay layong makalikha ng financial aid program para sa pagpapamahagi ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino.