Itinakda na ng Professional Regulatory Commission (PRC) ang 101 licensure examinations ngayong taon para ipambawi sa mababawang bilang ng exams na isinagawa noong 2020 dahil sa coronavirus pandemic.
Ayon kay PRC chairman Teofilo Pilando Jr., mayroon lamang 212,000 na nag-apply para kumuha ng exam noong 2020 kumpara sa 660,000 noong 2019.
Nasa 11 exams naman ang naisagawa ng PRC noong nakaraang taon kumpara sa 83 exams noong 2019.
Gayunman, may mga professional boards aniya na nagrekomendang kanselahin muna ang examinations dahil sa iba’t ibang rason.
Noong nakaraang buwan ay pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang PRC na ituloy ang licensure examinations simula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Saad pa ni Pilando na prayoridad ng ahensya ang exams para sa mga propesyon na may kauganayan sa COVID-19 pandemic, tulad ng medical technology at sanitary engineering.
Sa ngayon ay nagsimula na ang pagsusulit para sa veterinary medicine habang sa susunod na linggo naman ang pagsusulit ng mga social workers.
Sa mga susunod na buwan ay nakatakda nang magsimula ang exam para sa mga physicians, respiratory therapists at optometrists.
Nagpaalala rin ang opisyal na ang mga examinnes at exam personnel ay kailangang sumailalim sa quarantine at COVID-19 swab testing bago ang examination.
Nagtalaga na rin ang PRC ng mas marami pang exam venues kung saan may examinee capacity ang mga ito na hindi bababa sa 18 indibidwal mula sa dating 24 na tao alinsunod na rin sa umiiral na social distancing protocol.