-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi pa man nagkakarga sa first trip ng barko na biyaheng Masbate, isang ten-wheeler truck na ang nagpumilit na pumasok sa compound ng Philippine Ports Authority sa Pioduran, Albay.

Pahalang pa itong pumarada sa harap ng gate kaya’t kinausap ni Pioduran MDRRMO chief Noel Ordoña na maghintay sa tamang parking.

Subalit ayon kay Ordoña sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pabalang pa umano ang mga sagot ng truck driver habang bastos rin daw nang makipag-usap na napag-alamang nakainom.

Pagkaginsa’y bigla nitong pinaatras ang truck at nagtungo sa parking lot subalit sa pagsandal nito sa manibela, umabante ang sasakyan at nahulog sa tatlong hakbang na hagdan ng pantalan.

Mabuti na lamang umano at hindi ito nagtuloy-tuloy sa dagat at nakababa sa truck ang driver na kinilalang si Ronnel Valler ng Kinamaligan, Masbate City.

Hindi pa natapos dito ang pag-iiskandalo ng driver at nag-amok pa habang hinahanap si Ordoña kaya’t tumawag ng kapulisan upang ipadampot ito.

Desidido naman ang MDRRMO head na magsampa ng karampatang kaso laban sa abusadong driver habang pinagtulung-tulungan na maalis sa hagdan.

Kung babalikan naantala ang mga biyahe sa naturang pantalan dahil sa pagdaan ng bagyong Dante.