-- Advertisements --
DILG SEC BENJAMIN ABALOS JR.

Nasa kustodiya na ngayon ng pamahalaan ang sampung suspek sa pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.

Ito ang iniulat ng Special Task Force Degamo sa ginanap na joint press briefimg ng DILG, DND, DOJ, at iba pa ngayong araw sa Camp Aguinaldo sa bahagi ng Quezon City.

Ayon kay Special Task Force Degamo Chairperson at Interior Secretay Benjamin Abalos Jr., ito ay matapos sumuko sa mga otoridad ang lima pa sa mga pinaghahanap na mga suspek sa naturang kaso.

Aniya, kaninang hapon ay pormal nang nai-turn over ang mga ito sa NBI mula sa kustodiya ng AFP.

Dagdag pa ni Abalos, mula sa sampung mga suspek na nasa kustodiya ng mga otoridad, siyam dito ay pawang mga dating sundalo habang ang isa naman ay dating military trainee na hindi nakapagtapos ng training course.

Ngunit paglilinaw ni AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino, ang mga ito ay ilang taon nang wala sa serbisyo nang dahil din mga kasong kinaharap noon.

Sa ngayon ay tumanggi muna ang STF Degamo na ibahagi ang mga bagong impormasyong kanilang nakalap mula sa nasabing limang mga bagong suspek dahil kasalukuyan pang isinasailalim ang mga ito sa interrigation.

Samantala, kaugnay nito sinabi naman ni Justice Sec. Crispin Remulla na nasa 5 hanggang 6 na suspek pa ang nananatiling atlarge.

Patuloy naman ang panawagan ng mga kinauukulan na sumuko na ang iba pang mga nagtatagong salarin sa nasabing karumaldumal na krimen kasabay ng pagtitiyak ng mga ito na gagawin nila ang lahat upang mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay kay Gov. Degamo