Nag-iwan ng 10 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na patay ang inilunsad na aerial bombardment ng Joint Task Force (JTF)-Sulu sa kuta ng mga bandido sa Patikul, Sulu, noong weekend.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay 11th Infantry Division at JTF Sulu Commander B/Gen. Divino Rey Pabayo, kaniyang sinabi na ang target ng aerial bombardment ng militar ay ang grupo nina ASG leader Radulan Sahiron at Hatib Sawadjaan.

Ayon sa heneral, ang impormasyon kaugnay sa casualties ng ASG ay base sa nakuhang human intelligence report ng militar.

May report din aniya silang nakuha na kabilang si Sahiron sa mga nasugatan dahil sa impact ng bomba na bumagsak malapit sa pinagkukutaan ng teroristang grupo.

Pero ayon kay Pabayo, bina-validate pa nila ang nasabing impormasyon.

Sa ngayon wala pang narerekober na body count ang militar at nagpapatuloy ang paggalugad ng mga tropa sa lugar kung saan inilunsad ang aerial assault.

Wala namang impormasyon na kabilang si Sawadjaan sa mga casualties ng ASG.

Nabatid na dahil sa military pressure, ilang miyembro na rin ng bandidong grupo ang sumuko sa militar sa Sulu.

Ayon kay Pabayo, nagsanib puwersa na ang grupo nina Sahiron at Sawadjaan.

Siniguro naman ng heneral na kung may binabalak na naman ang teroristang grupo na maghasik ng karahasan hindi ito magtatagumpay.

“Malaki yung area, ongoing pa ang scouring ng mga tropa. oo, nandun diba pero naghiwahiwalay na sila, may mga report pero hindi pa maconfirmed dahil report lang e, wala pang body count talagang nakuha e, may mga natamaan pero naidala, nabitbit yata nila. Hindi namin mapinpoint pa e, maraming nagsabi may sampu, may syam, wala pang confirmation,” pahayag ni Pabayo.